Pag-ibig ng ama sa kanyang anak.

Madalas na natin marinig ang kasabihan na wala ng hihigit pa sa pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak. Kung iisipin, totoo nga naman. Nanggaling mismo sa sinapupunan nila ang kanilang mga anak. Inalaagan at nakasama nila ang mga ito bago pa man lumabas sa mundong ibabaw.

Pero paano naman ang mga ama? Dugo din nila ang dumadaloy sa mga ugat ng kanilang mga anak. Parte din sila ng buong pagkatao ng mga ito. Pero sa mata ng karamihan, mas lamang pa rin ang pagmamahal ng isang ina kesa sa isang ama.

Noong ako ay nag-aaral pa lamang, at pag naglalakad lakad lang sa palengke sa baguio, nakakakita ako ng mga ama kasama ang kanilang mga anak. Mga tatay na construction worker, tindera, o di kaya namamasura. Nakikita ko sila na bitbit or aka yang kanilang mga munting anghel. Me hawak na tinapay o pansit o kung ano man na binili para sa kanyang anak. Me nakakasabay din sa jeep na mga construction worker, tapos kalong ang anak, habang ung bata aliw na aliw na nilalaro ang simpleng laruan na bigay ng kanyang tatay.

Ewan ko kung bakit, pero dati pa natutuwa ako sa mga eksenang ganito. Ewan kung bakit mas natutuwa ako pag nakakita ng ama kasama ang kanyang anak kesa pag nakakita ng mag ina. Dahil ba hindi pangkarinawan para sa mga lalaki na magpakita ng mga ganitong ugali? Dahil ba mas normal para sa atin ang pagmamahal ng isang ina?

Ilang lingo lang ang nakalipas ng kumain kami sa Jolibee sa Guadalupe ng misis ko, at me napansin na naman ako mag-ama. Sa tabing mesa lang sila kumakain. Medyo matanda na ang lalaki. Kumakain ng Chicken Joy. Ang anak naman ay kumakain ng burger steak. Pinasyal ata nung lalaki ang kanyang anak. Sarap na sarap sila sa pagkain. Ung bata pa, kinukwento ung napuntahan nila. Tanong ng tanong sa tatay nya. Habang ako ay kumakain, pinagmamasdan ko lang sila. Bakas sa mukha ang simpleng kaligayahan. Nakakatuwa… lalo na para sa isa ring ama.