Ito ang pinakamakangyarihang bagay, salita o ideya na meron saan mang sulok ng ating mundong ginagalawan. Lahat ng bagay na iyong nakikita, naamoy, nahahawakan, naririnig, nalalasahan o naiisip ay bunga ng kapangyarihang ito.

Pag-ibig.

Sakop tayo ng kapangyarihang ito. Sakop lahat ng bagay. Pati na rin ang pagkakaroon natin sariling bahay na. Ayun na rin sa isang taong nagngangalang Juan, Ang Diyos ay sakop nito dahil ibinigay at sinakripisyo ang kaisa isang anak ng Diyos dahil sa Pag-ibig niya sa tao.

Napaikling salita (mas maikli pa kung sa englis) ngunit hindi lubos na maunawaan. Napaganda sa pandinig. Ilang kwento, tula at awit na nga ba ang nagawa dahil sa salitang iyan? Ilang libro na ba ang nagsikap mahimay sa kaliit-liitan aspeto ng ideyang iyan? Napakadami. Ngunit ipunin man ang lahat ng ating nalalaman tungkol sa paksang yan, magmimistula lamang itong butil ng buhangin sa isang kilometrong dalampsigan kumpara sa tunay at purong kahulugan nito.

Nagbibigay ng kasiyahan sa mga puso kahit pa sa mga pusong naghihingalo na sa pagkabalot sa kolesterol dahil sa pagkain ng matataba. Ang pundasyon ng pag-aalaga ng ina sa isang maliit pang sanggol at ang pag-aalaga ng parehong bata sa kanyang ina sa kanyang pagtanda. Ang kapangyarihang nagpapaikot ng mundo ang bawat magkasintahan, ang ilan minsan ay nasa ilalim ng puno ng kaimito at doon nag-iibigan. Ang bagay na nagbibigay lasa sa bawat pagkaing ihain ng mga kusinero. Ang salitang nagbibigay tamis sa bawat nota na ninanamnam ng kaibigan kong bading habang nakikinig sa musika. Ang ideyang nagbibigay kahulugan sa bawat obra maestra ng isang pintor or iskultor.

Pero ngunit subalit datapwat.

Walang salita na isa lang ang kahulugan. Walang bagay ng panay mabuti ang dulot. Walang ideyang perpekto, kahit pa magpraktis ka ng magpraktis gaya ng sabi ng isang kasabihan.

Dahil na rin sa kapangyarihan ng bagay, salita at ideyang ito, hindi sa lahat ng oras ay panay positibo ang epekto. Gaya nga ng sabi ng isang superhero na mahilig lumambitin, “Sa pagkakaroon kapangyarihan, kaakibat nito ang responsibilidad”. Hindi po Pilipino ang superhero na iyon at hindi rin sya marunong magtagalog, sinalin ko lang.

Sa bawat pusong lumigaya ng dahil sa pag-ibig, mas marami ang umiyak at nasaktan.

Lahat ng giyera na nasaksihan na ng ating mundo ay dulot ng pag-ibig. Pag-ibig sa kanilang relihiyon, pag-ibig sa kanilang bansa, pag-ibig sa kanilang lahi, o simpleng pag-ibig sa kapangyarihan.

Naaalala mo pa ba ang kasabihang “Love of money is the root of all evil”? o di kaya naman ang isa pang bersyon nito na  “Love of power is the root of all evil”?

Hindi ka ba nagtataka ng sa parehong bersyon ay nakapaloob ang salitang englis ng Pag-ibig? At kung papaganahin mo ang lohika, hindi ang pera o kapangyarihan ang ugat ng lahat ng kasamaan, kundi ang Pag-ibig.

Tignan natin ang pinaka popular na imahe ng kasamaan. Ang Dyablo. Siya ay isang dating anghel sa langit. Isang napagandang anghel. Ayun sa nasusulat siya ang pinakamagandang anghel sa langit. Ngunit anong nangyari? Dahil sa gusto nyang maging makapangyarihan. Gusto nyang maging Diyos. Umibig sya sa ideya ng pagiging Diyos.

Sasabihin mo naman, eh ang sabi eh Gusto nya ang ideya hindi sinabing Umibig sa ideya. Ang pagkagusto sa isang bagay ay iba sa pag-ibig. Ang pagka gusto, gusto mo lang. Wala kang pakiaalam kung makuha mo un o hindi. Ang pag-ibig, gagawin mo lahat para sa bagay ng iniibig mo.

Ang Dyablo ng dahil sa kanyang pag-ibig sa kanyang sarili at sa ideya ng pagiging Diyos ay itinapon sa lupa.

Pera pa ba ang ugat ng lahat ng kasamaan? Kapangyarihan ba? Oh ang dinadakila nating Pag-ibig?

Pag-ibig.

Sa bawat kasiyahan at pagadadalamhati. Sa bawat ngiti at luha. Sa bawat pagwagi at pagkabigo. Sa bawat magkaibigan at magkaaway. Sa bawat maganda at panget. Sa bawat kabutihan at kasamaan. Sabaw at kanin. Sa bawat isa sa atin.

Pag-ibig.

Advertisements